UGNAYANG MIDYA, MEDIA MINISTRY NG THE HOLY TRINITY PARISH – BACOOR AT STO. NIÑO DE PRAGA PARISH – ANTIPOLO

by Ministry on Social Communications

https://dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

UGNAYANG MIDYA, MEDIA MINISTRY NG THE HOLY TRINITY PARISH – BACOOR AT STO. NIÑO DE PRAGA PARISH – ANTIPOLO

June 04, 2025 by Ministry on Social Communications

BACOOR CITY -  Isang makasaysayang sandali ang naitala sa pagitan ng Media Ministry ng The Holy Trinity Parish (THTP) – Bacoor at ng Sto. Niño de Praga Parish (SNDPP) – Antipolo, isang araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Panlipunang Komunikasyon. Mula sa lungsod ng Bacoor, bumiyahe ang mga lingkod ng THTP-Media Ministry patungong Antipolo upang maghatid ng kaalaman at inspirasyon sa pamamagitan ng isang seminar para sa mga kasapi ng panlipunang komunikasyon ng SNDPP noong huling araw ng Mayo 2025. 

Unang nagbahagi si Bro. Marc Peñaredondo, kasalukuyang Lay Coordinator ng THTP-Media Ministry, tungkol sa kanilang karanasan sa temang “A Year with HOPE: Sharing Experiences with SNDPP-SOCOMM.” Sa kaniyang talumpati, inilahad niya ang mga pinagdaanang hamon at tagumpay ng kanilang ministry—mula sa mga heartaches, opportunities, presence, at endurance—na nagsilbing pundasyon ng kanilang patuloy na paglago. Ibinahagi rin niya kung paano naging daluyan ng pag-asa ang kanilang ministeryo sa kabila ng mga pagsubok. 

Kasunod niya si Sis. Ann Peñaredondo, isang Auxiliary Member ng THTP-SOCOMM, na nagbigay ng makabuluhang talakayan ukol sa “Social Media Management & Etiquette.” Tinalakay niya ang mga praktikal na tips at tamang asal sa paggamit ng social media, gayundin ang mga gabay upang epektibong makipag-ugnayan sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at digital platforms. 

Mas naging makabuluhan ang pagtitipon sa pagbabahaginan ng mga karanasan at kaalaman ng mga kasapi mula sa parehong parokya. Sinundan ito ng isang tour sa loob ng simbahan ng SNDPP, kung saan nakita ng mga taga-Bacoor ang kanilang SOCOM setup. Ang diwa ng pagbabahaginan ay hindi natapos sa mga sesyon, kundi nagpatuloy pa sa mas personal na pag-uusap habang nililibot ang simbahan.

Isang tunay na mabiyaya, makasaysayan, at mapagpalang araw ang naging pagtatapos ng Mayo para sa SOCOMM ng parehong parokya. Sa kabila ng distansya at bundok na naghihiwalay sa kanila, nabuo ang isang bagong pagkakaibigan at ugnayan na tiyak na magpapatuloy.

Ang THTP-Bacoor SOCOMM ay patuloy na magsusulong ng ganitong mga gawain—pag-abot sa mga kapatid sa Media Ministry na nangangailangan ng paggabay at inspirasyon. Sa bawat paglalakbay, hindi lamang ang mga tinutulungan ang natututo, kundi maging ang mga nagbibigay ay napagyayaman din ng mga karanasang kanilang pinagsasaluhan.   (Ulat ni Marc Peñaredondo, SOCCOM — THTP, Larawang kuha ng SOCCOM — THTP ) 

Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang Official FB Page ng The Holy Trinity Parish-Bacoor

________________________________________________________________________________________________________

Follow our official social media accounts:

Facebook: https://web.facebook.com/dioceseofimus

Jubilee 2025 Facebook page: https://www.facebook.com/Jubilee2025DioceseOfImus

Youtube: https://www.youtube.com/@dioceseofimus1961

#Jubilee2025

#LakbayPagAsa

#PilgrimsofHope

#DioceseOfImus 



Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Version: v1.2.8