๐๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐-๐๐๐
(๐๐ค๐ข๐๐ก๐ฎ๐ ๐ฃ๐ ๐๐ช๐๐๐๐ฃ๐ ๐๐๐. ๐๐๐ฎ๐ฃ๐๐ก๐๐ค ๐. ๐๐ซ๐๐ฃ๐๐๐ก๐๐จ๐ฉ๐, ๐ค๐๐๐จ๐ฅ๐ค ๐ฃ๐ ๐๐ข๐ช๐จ, ๐จ๐ ๐๐๐จ๐ ๐ฃ๐ ๐๐ง๐๐จ๐ข๐, 17 ๐ผ๐๐ง๐๐ก 2025, ๐๐๐ฃ๐-๐๐๐ฎ๐ค๐จ๐๐จ๐๐จ ๐ฃ๐ ๐ฟ๐๐ข๐๐๐ฃ๐ ๐๐ฉ ๐๐๐ฉ๐๐๐ง๐๐ก-๐๐๐ง๐ค๐ ๐ฎ๐ ๐ฃ๐ ๐๐๐๐๐ก ๐ฃ๐ ๐ฝ๐๐ง๐๐๐ฃ ๐๐๐ก ๐๐๐ก๐๐ง, ๐๐ช๐ฃ๐๐จ๐ค๐ ๐ฃ๐ ๐๐ข๐ช๐จ, ๐พ๐๐ซ๐๐ฉ๐)
Nasa taon ng Hubileo po tayo ngayon, 2025. Sa Jubilee Year na ito, na ang tema ay "Pilgrims of Hope" โ sa Latin ay "Peregrinantes in Spem" (Mga Manlalakbay sa Pag-Asa) โ inaanyayahan ko po kayo, pagnilayan nating sama-sama ang tema: "Hubileo na Kaloob ng Panginoong Hesus, Dapat Isabuhay Natin."
Ang pagdiriwang natin ng Jubilee Year bilang mga Kristiyano ay hango sa pagdiriwang ng mga Israelita na mababasa natin sa Banal na Kasulatan (Levitico 25).
Ano ang mababasa natin dito? At kukuha ako ng ilang bahagi ng sinasabi sa aklat ng Levitico. Ang sabi ay ganito sa mga Israelita: "Bibilang kayo ng pitong Taon ng Pamamahinga, pitong tigpipito โ apatnapu't siyam na lahat. Pagkatapos nito, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan โ Araw ng Pagtubos โ hihipan nang malakas ang mga trumpeta.." (tinatawag na yobhel, kung saan hinango ang salitang jubilee) โ "...sa buong lupain. Sa ganitong paraan, itatangi ninyo ang ikalimampung taon; ipahahayag ninyong malaya ang lahat sa buong lupain. Ito'y taon ng inyong paglaya; ang alipin ay babalik sa kanyang sariling tahanan at ang lupaing naipagbili ay isasauli sa dating may-ari...huwag kayong magtatanim sa inyong bukirin. Maging tapat kayo sa isa't-isa at matakot sa akin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos."
Bakit ko po binalikan ang taon ng paglaya ng mga Israelita o tinatawag ngang Jubilee Year? Dahil sa ganito ring diwa ng pagpapalaya ng sambayanan, inihulat at inihanay ni propeta Isaias ang papel na gagampanan ng Panginoong Hesus para sa Kanyang bayan.
Narinig natin sa Unang Pagbasa ang sinasabing ganito ni propeta Isaias patungkol sa darating na Mesiyas: "Pinuspos ako ng Panginoon ng Kanyang espiritu. Hinirang niya ako upang ang magandang balita'y dalhin sa mahihirap, pagalingin ang sugat ng puso, palayain ang mga bihag at bilanggo, aliwin ang nangungulila, at tumatangis na taga-Sion ay paligayahin. Ang langis ng kagalakan ay ihahatid sa tanan, ang Diyos na Panginoon, iingatan sila at kakalingain." Ang sabi pa ng Panginoon, "Ako'y namumuhi sa pagkakasala at pag-a-alipin. Gawang katarungan ang mahal sa akin. Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin."
Ang salaysay na ito ni propeta Isaias na narinig natin sa Unang Pagbasa ay natupad sa ating Panginoong Hesukristo, na narinig naman natin sa Ebanghelyo. Bumasa ang Panginoong Hesus sa sinagoga sa Nazaret, at iyon mismong Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias na ating napakinggan ang kanyang binasa. At sinabi Niya sa katapusan, "Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo."
Pinaging-ganap ng ating Panginoong Hesukristo ang Jubilee Year sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng Kanyang tunay na pagmamalasakit sa sambayanan, lalo na sa mga dukha at nangangailangan. Christ perfected the jubilee of the Israelites through His saving act for the whole mankind. Ang handog na Hubileo ng Panginoong Hesus ay hindi isang materyal na bagay gaya ng sa Lumang Tipan na pagsasauli ng lupa, pagpapalaya sa mga alipin o ang pagpapahinga sa pagtatanim. Ang handog ng Panginoong Hesus sa atin ay kapatawaran sa ating mga kasalanan, paghilom sa sugatan nating puso, pag-aliw sa ating mga nahahapis at nangungulila, pagbibigay sa atin ng galak at tuwa dulot ng Kanyang mga salita at mabubuting gawa. Ang kaloob ng Panginoong Hesus sa atin, lalo na ngayong Jubilee Year, ay pagpapanibago (renewal) ng ating puso, isip at buong pagkatao. Ang kaloob Niya sa atin ay wagas Niyang pag-ibig, pagpapatawad sa ating mga pagmamalabis at pagka-makasarili, pagpapatawad sa lahat nating mga kasalanan. Ang inaalok ng Diyos sa atin ay buhay na ganap at kasiya-siya lalo na ngayong Jubilee Year na ito.
Kung ang Jubilee Year ay taon ng paglaya sa lahat ng mga umaalipin sa atin, at ang tunay na kalayaan ay nagmumula sa Panginoong Hesus, "kapag kayo'y pinalaya ng Anak, tunay nga kayong malaya" (Juan 8:36). Masasabi natin na ang Panginoong Hesukristo ang bukal ng tunay na kalayaan. Ang Panginoong Hesus ay perpetual jubilee โ kailanman, hindi siya naalipin ng anuman, maging ng kasalanan o kamatayan. Tama ang ipinapaalala sa atin ng aklat ng Pahayag sa Ikalawang Pagbasa: "Kay Hesukristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman. 'Ako ang Alpha at ang Omega,' wika ng Panginoong Diyos na makapanguyarihan sa lahat, Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan at siyang darating."
Ang Panginoong Hesukristo ang dakila at walang hanggang pari โ the eternal priest โ na nagbabahagi ng Kanyang pagka-pari sa ating lahat. Ang sabi sa aklat ni propeta Isaias: "Kayo ay gagawin Niyang saserdote. Itong lahi nila ay makikilala sa lahat ng bansa, at tatawaging bayang pinagpala, hinirang ng Panginoon." Sinasabi naman sa aklat ng Pahayag: "Ginawa mo silang isang liping maharlika at mga saserdote para maglingkod sa ating Diyos." Ang bawat binyagan โ tayong lahat โ ay kabahagi ng ating Panginoong Hesukristo sa kanyang pagka-Pari, pagka-Propeta at pagka-Hari.
Pero sadyang humirang ang ating Panginoong Hesus ng Kanyang mga apostoles na magpapatuloy ng Kanyang gawain. Sila at ang lahat ng kanilang mga kahalili na tumanggap ng pagpapatong ng kamay o Banal na Orden โ lahat ng mga pari โ ang kabilang sa tinatawag na ministerial priesthood. Sinasabi sa dokumento ng Ikalawang Konsilyo Vaticano, sa Presbyterorum ordinis (Decree on the Ministry and Life of Priests): "By sacramental consecration, the priest is configured to Jesus Christ as Head and Shepherd of the Church, and he is endowed with a 'spiritual power' which is a share in the authority with which Jesus Christ guides the Church through his Spirit."
Ano ang hamon nito sa atin, minamahal kong mga kapatid na pari? Kung ang Panginoong Hesukristo na walang hanggang pari ay laging naglilingkod sa tunay na pagmamalasakit, pangangaral ng Mabuting Balita lalo na sa mga dukha, pagpapalaya sa mga bilanggo, pagpapatawad sa mga kasalanan, pagpapagaling at pagbibigay ng paniningin sa mga bulag, [at] pagbibigay-kaluwagan sa mga sinisiil, tayong mga obispo at pari ay inaasahan ng Diyos na maging mapagmalasakit din sa sambayanan kagaya ng ating Panginoong Hesus, ang dakila at walang hanggang pari.
Sa diwa ng Taon ng Hubileo 2025 na ito, na ang tema ay "Pilgrims of Hope," magbigay pag-asa tayo, minamahal na mga kapatid na pari, sa mga mananampalataya na ating pinaglilingkuran. Ang paalala sa atin ng ating Santo Papa Francisco, at ito ay para din sa ating lahat: "Hope does not disappoint, because God's love has been poured into our hearts through the Holy Spirit that has been given to us." (Roma 5:5) Mga salita ito ni San Pablo Apostol para mapalakas palagi ang ating pagtitiwala at pag-asa sa Diyos. Sa Tagalog, "Hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin."
Minamahal na mga kapatid na pari, bilang mga lingkod ng Diyos at ng sambayanan, kailangan nating maging masagana sa pag-asa para makapagbigay pag-asa tayo sa iba na pinanghihinaan ng loob. We need to abound in hope. Kailangan nating lalo pang maging malapit sa Diyos na bukal ng pag-asa sa pamamagitan ng tapat na pananalangin at pagsasabuhay ng ating mga sinumpaang pangako o priestly vows na ating sasariwain ngayon sa pagdiriwang na ito. Ang sabi ni San Pablo Apostol, "Ang Diyos na nagbibigay sa atin ng pag-asa ang magkakaloob nawa sa inyo ng kagalakan at kapayapaan sa pananalig upang sumagana kayo sa inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo." Pagtutuunan lalo natin ng pansin ang pagkalinga sa mga dukha, sa mga nangangailangan, sa mga may karamdaman, sa mga bilanggo, sa nakakaranas ng pagsubok sa buhay, sa mga pinaghihinaan ng loob. Sa ating pagbibigay ng panahon sa kanila, minamahal na mga kapatid na pari, pagbibigay ng pagkalinga sa sambayanan na ipinagkatiwala sa atin, maranasan nawa nila ang pag-ibig ng Diyos at makaharap ang lahat sa landas ng buhay, puno ng pag-asa.
Napakaganda ng paalala ng ating Santo Papa Francisco sa dokumento para sa Jubilee Year, Spes non confundit (3). Ang sabi ng Santo Papa: "Hope is born of love and based on the love springing from the pierced heart of Jesus upon the cross. Christian hope does not deceive or disappoint because it is grounded in the certainty that nothing and no one may ever separate us from God's love."
Minamahal na mga kapatid na pari, alalahanin natin palagi: Mahal tayo ng Panginoong Hesus, ang dakila at walang hanggang pari. Ang sabi nga ni San Juan Maria Vianney, patron ng lahat ng mga pari, "The priesthood is the love of the heart of Jesus." Ang pagiging pari natin ay patuloy na pagtugon sa pag-ibig ng Panginoong Hesus sa atin. Araw-araw ay dapat nagiging dalisay ang pamumuhay natin sa pag-ibig sa Diyos na tumawag at humirang sa atin bilang mga pari. Sa kabila ng ating maraming gawain at mga pinagkakaabalahan, ang motibasyon sana ng lahat ng ating ginagawa ay hindi pera o kasikatan. Let us purify our love for Jesus each day, for only those who love Jesus authentically, sincerely, can be trusted to take care of His flock. Kahit mabigat ang hamon sa atin sa buhay-paglilingkod sa diwa ng pag-ibig o tinatawag na pastoral charity, makakaya nating ibigay ang buo nating sarili sa Diyos at sa sambayanan sa diwa ng pag-ibig dahil una tayong minahal ng Diyos. Kaya ba natin na magbigay ng pag-asa sa sambayanan na ating pinaglilingkuran? Kaya natin, dahil patuloy na minamahal tayo ng Diyos na tumawag at humirang sa atin.
Ang Panginoong Hesus ang ating pag-asa at lakas. Sinasabi sa sulat sa mga Hebreo (6:18-20), "Kaya't tayong nakatagpo sa kanya ng kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay. At ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing sa templong panlangit, sa dakong kabanal-banalan na pinasukan ni Hesus na nangunguna sa atin."
Mahaba pa ang ating lalakbayin. We are pilgrims of hope, pero kasama natin ang Panginoong Hesus sa ating paglalakbay. Siya ang daan, katotohanan at buhay. Nawa'y sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng ating Panginoong Hesus, Ina ng buong Simbahan, Ina ng Pag-Asa (Mother of Hope), makapamuhay tayong lahat sa matatag na pag-asa at pagmamahalan sa isa't-isa.
(Isinulat ni Mark Anthony Gubagaras; Larawang kuha ng Ministri ng Panlipunang Komunikasyon.)